Parisukat, Tatsulok, Bilog

PERPEKTO
Nakatitig ka sa harap ng salamin, sinusuri kung gaano kasinop ang pagkakagayak sa iyong sarili. "Isa akong likha ng sining," iyong sambit. Napangiti. Mula sa kinatatayuan mo ay nakita mo sa salamin ang nakasabit na ipinintang larawan ng Bulkang Mayon sa iyong likuran. Subalit tila may gumalaw rito, na hinati sa maliliit na parisukat at pinagpalit-palit ang puwesto. Hindi ka nakatiis. Lumingon ka at nilapitan ang larawang tila naging palaisipan. Isa, dalawa, tatlo. Masusi mong iniayos ang bawat kuwadrado sa tamang kinalalagyan nito. Nang matapos ka ay muli kang namangha. Kasingpulido ng hugis ng bulkan ay napakatalas rin ng iyong isipan. “Perpekto!” sigaw mo nang may pagmamalaki. Muli kang umikot patungo sa salamin. Subalit pagtingin mo sa iyong repleksiyon ay isang bugtong ulit ang nakita mo: ikaw naman ang nahati sa maliliit na kwadrado, at wala sa ayos ang bawat isa. Nagsimulang mahulog ang iyong mga piyesa...



IKALAWANG YUGTO
Matapos manalo ni Pagong sa karera nila ni Kuneho ay agad sinimulan ng huli ang kaniyang paghihiganti. Sa tulong ni Matsing, dinakip ng dalawa ang pagong at dinala sa tuktok ng burol. Ilang sandali pa ay dinig na ang uwak sa himpapawid. Papalaki nang papalaki ang anino nito, hudyat ng napipintong pagdagit. Agad kumaripas ng takbo sina Matsing at Kuneho. Ngunit ang kawawang Pagong ay tinanggap na lamang ang mapait na kapalaran. Makalipas ang isang oras ay abala na sa pagbubunyi ang dalawa. Masiglang ikwinento ni Kuneho ang bersyon niya ng karera sa mga panauhin kung saan siya raw ang nanalo. Ang mga tagapakinig ay manghang-mangha. Walang ano'y bumagsak si Pagong kay Kuneho. Napagkamalan pala siyang bato ni Uwak na balak basagin ang bahay ng pagong para makain ito. Nakangiti si Rizal habang hinahabi sa kaniyang isip ang ikalawang yugto ng kaniyang pabula bago siya tuluyang malagutan ng hininga...



SINABAWANG SISIW
Nakagawian ko nang magpuyat tuwing gabi. Kung hindi nagbabasa ay nagsusulat o nanonood ng mga palabas sa buong magdamag. Kasama na marahil sa panggabi-gabing buhay naming mga puyatero ang pagkain ng balut. Sa halos limang taon ko sa pagpupuyat ay gabi-gabi akong bumibili ng balut kay Tatang Balut. Ni minsan ay hindi ko tinanong ang pangalan niya. Ngayong gabi ay hindi sana ako magpupuyat ngunit sa lahat ng araw ay ngayon pa tila naging maingay ang mga kapitbahay. May tila nag-aaway sa sugal. Dahil sa ingay ay inabangan ko na lang dumaan si Tatang Balut para bumili ng makakain. Habang ninanamnam ko ang mainit na balut ay may dumaang mga bata. “Psst! Ano 'yong maingay sa kanto?” tanong ko. “Ah, 'yon ba? Sa lamay 'yon ni Mang Roger! Mga nagto-tong-its,” sagot ng isang bata. “Sinong Mang Roger?” “Iyong magbabalut po kuya. Sayang nga, e. Wala na tuloy nagtitinda tuwing gabi...”



SBA
  Ang blog na ito ay kalahok sa Saranggola Blog Awards 11 na sponsored ng mga sumusunod:

Comments

Popular posts from this blog

Bente-Bente