Bente-Bente
I. HAY-DEPINISYON
May nanonood pa ba sa telebisyong luma?
na dalawa lamang ang kulay, itim o puti ba?
Marahil ay wala na dahil wala itong sigla
Kung mas marami ang kulay ay tiyak na mas masaya
Kawangis ng telebisyon ay ating kasarian
Bakit pinipilit na mayro'n lang Eba at Adan?
Pag-ibig ba ay para lang sa paggawa ng supling?
Na kung hindi magkaanak ay pangahas ang turing?
Ang pagkababae ba ay tungkol lamang sa matres?
Pagkalalake ba ay base sa lalim ng boses?
Mistulang telebisyon noong nayntinkopong-kopong
Blak-en-whayt pa rin, hindi platskrin at hay-depinisyon.
Saan nga ba nag-ugat ang ganitong kalakaran?
Dapat pa rin bang makinig sa giit ng Simbahan?
O dapat nating lingunin ang ating kasaysayan
bago pa lipulin ng banyaga ang ating bayan?
Mabuti pa noong una ay mayroong Babaylan—
mga kababaihang ginagalang sa lipunan
Hindi ba't mayro'n ding mga babaeng mandirigma?
Ni wala ring nangungutya kapag ikaw ay bakla.
Ngunit tila ang bansa ay tumanda nang paurong
Pananaw sa kalinisan ay ginawa nang putik
na pambato sa sino mang ayaw nang magpakahon.
Bakit 'di na lang kusang itikom ang mga bibig?
Wala namang halaga ang makitid mong opinyon
kung si Adan man ay umaming si Pedro ang hilig,
kung si Eba ay umibig kay Daragang Magayon.
Ikinabanal mo ba ang panghuhusga't pag-usig?
Tama bang sabihing mayro'n lamang araw at gabi
kung paghupa ng ulan ay mayro'n ding bahaghari?
Isulong ang pagkakapantay sa ating lipunan
dahil mahirap umusad sa malubak na daan.
Mabuti pa ang mga hayop na isinabatas ang Karapatan,
paano naman ang mga tao na iba't iba ang kasarian?
II. KADENANG KALAWANG
Isa, dalawa, tatlo, apat
mga sugat niya'y labing-apat
itinali, hinampas, binugbog, binalibag
dinuraan, sinipa, inagaw ang dignidad.
Parang kailan lang, pinangakuan ng tala
ngayo'y gabi-gabing namamasa ang mata
Itinali ng simbahan, sa impyerno napunta
lumakad sa altar sa banig na pula.
Inakalang langit, isa palang parusa
kolorete sa pisngi ay napalitan ng pasa.
Isang araw na kasal, habambuhay na sinakal
paano tatakasan ang kamay na bakal?
“Magtiis ka, ginusto mo,” pangaral ng iba
Hindi raw ito kanin na kapag napaso'y iluluwa.
“Sa hirap at ginawa,” pangako sa isa't isa
Ngunit hindi nagtagal, puro hirap ang ginawa.
Tanikalang nagtali sa kanilang mag-asawa
isa nang panghablos sa makukulit na bata
“Inay, tama na, iwan na natin si Ama!”
ngunit walang susing pambukas
sa kinalawang na kadena.
Dapat pa rin bang ipagkait ang karapatang kumalas
Sa pagbubuklod nila na walang habas ang dahas?
O dapat nang buksan ang kandado sa kasarinlan
at hayaan nang tamaan ng liwanag ang karimlan?
Marahil ay oras na para ihayag ang katotohanan
na pilit ikinukubli sa likod ng mga pintuan.
Dahil sa bawat pamilyang may masayang tahanan,
maaaring may sampu naman na walang katahimikan.
Simulan na ang pagtibag sa mga pader ng kulungan,
alisin na ang piring ng mga nagbubulag-bulagan.
III. SALARIN
Nakalagak sa ataul ang bangkay ni Tanya
Maraming usap-usapan kung ano'ng kinamatay niya
Ako lamang ang tanging saksi sa eksena
Lumapit ka nang malaman kung sino'ng maysala.
Bata pa lang si Tanya ay kinakitaan na ng ganda
Walang kapintasan at maraming namamangha
Ngunit kahit maganda ay pilit kinukutya
Siya raw ay may kuto, sabi ni Nena.
Dali-dali, ang tsismis ay agad kumalat
Sa loob ng klase, siya'y pinandirihan ng lahat
Kaya si Tanya ay umuwing ngunangakngak
Lalo pa siyang pinalo ng amang lango sa alak.
Dalaga na si Tanya at lubhang maalindog
Mga binata sa paligid, 'di mapigil ang libog
Ngunit ang birhen ay sadyang pihikan
Walang sinagot ni isa sa kalalakihan.
Laking gulat ng lahat nang mabalitang siya'y buntis
Tiyan daw kasi niya ay nagbago ang hugis
Hindi rin nakabuti ang manipis niyang kutis
Agad siyang tinamaan ng matinding hinagpis.
“Sino'ng ama?” tanong ng buong baranggay
na tila ba sa sagot nakadepende ang buhay
Marami ang nagsabing sila raw ang nakauna
Ginawang tropeyo ang pagtikim sa kaniya.
Lumipas ang siyam na buwan, walang lumabas na bata,
ngunit hindi natigil ang makakati nilang dila.
Dahil si Tanya raw ay ipinalaglag ang anak
Matakot na raw siya sa pagdalaw ng tiyanak!
Sa kabila ng lahat, siya'y nanatiling matatag
kaya si Tanya ay lalong namayagpag.
Pagkagradweyt sa kolehiyo ay naging negosyante
Ginawa niyang tindahan ang bakanteng lote.
Ngunit ano itong balitang may iba pa siyang paninda?
Nagbebenta raw ng aliw maliban sa mga delata?
Pagkalat ng tsismis ay mabilis pa sa apoy,
ipinundar na konkreto ay gumuhong parang kahoy.
Dito na dumating si Manong Jose
ang butihing kapitan ng baryo ika-trese
Inalok ng matanda ng kasal si Tanya
kapalit ng pangakong pagtulong sa kaniya.
Ang ating prinsesa ay hindi nagpatinag
nanatiling kumakapit sa kaniyang dignidad
kaya ang hukluban ay mabilis na gumanti
imahe ni Tanya ay binansagan niyang prosti.
Paniwalang-paniwala ang mga kapitbahay
sapagkat si Tanya, kung manamit daw ay mahalay.
Masamang ehemplo, sa kaniya ay turing
Kapag lumalabas ay inuulan ng pasaring.
Nang mamatay ang magulang ay lalong naghirap
Sinantabi ni Tanya ang mga pangarap
Hindi pa rin nakaligtas sa malisyosong mga mata
Ang mga magulang daw niya ay nilason ng dalaga?!
Lumala pa ang sitwasyon nang lumapit sa sikolohista,
May suspetsang si Tanya ay lubhang baliw na
Maging kamag-anak ay nilayuan ang binibini
Kinalimutan na rin siya ng kapatid niya sa Saudi.
Kilala mo na ba kung sino ang salarin,
kung bakit si Tanya ay natagpuang nakabitin?
Si Nena ba o si Jose o 'di kaya'y si Aling Bebang?
Sino-sino nga ba ang kaniyang nakaalitan?
Wala namang umaamin sa kanilang kasalanan,
ngunit malinaw pa sa araw ang hubad na katotohanan:
Ikaw, Ako, Siya, lahat tayo ang maysala.
Pinatay natin si Tanya gamit ang mga maling balita.
Kung ang pagtsismis lamang sana
ang ating winakasan,
wala sanang buhay na nagwakas
dahil sa labis na kalungkutan.
IV. KALDERO
2009 nang simulang itayo
ang mababang paaralan sa tabi ng sementeryo
50-milyong piso ang inilaan nilang pondo
Nagbunyi ang lahat ng nakatira sa baryo.
2010 mayroon nang pundasyon
tila isang musika ang ingay ng konstruksyon.
Sunod namang dumating ang panibagong eleksyon
pag-upo ni meyor, nadugtungan ng taon.
2011 ang paaralan, mayroon nang dingding
ipinangak noon din ang kapatid ni Ding
batang paslit sana noon ay greydwan na
ngunit ang bahay-eskwela ay hindi pa gawa.
2012 balitang magugunaw na raw ang mundo
ngunit hindi nagunaw ang pag-asa ng baryo
kabataan daw kasi ang pag-asa ng bayan
kaya tuloy pa rin ang pagtayo ng paaralan.
2013 muling nagkaroon ng halalan
paggawa sa paaralan, isa pa ring islogan
idagdag pa riyan ang napakaraming proyekto
binagbag ang mga kalsada, binuhusan ng bato.
2014 ang mga kalsada ay batuhan pa rin
pagdating ng bagyo, baryo'y naging bahain.
Rinagasa ang lupa, hinukay ang mga puntod,
dingding ng paaralan ay kasamang nalunod.
2015 ay naging isang taong masalimuot
dahil si meyor, nahuli raw nangungurakot.
Ang mga proyekto niya ay biglang naudlot
mga dingding ng paaralan, nabalot ng lumot.
2016 at may botohan na naman
Kaya si meyor, pinatalsik na ng taumbayan.
Pumalit na kahalili, nangako ng pagbabago
abot-langit ang palakpak ng kaniyang mga deboto.
2017 ikinasal na ang walang-pinag-aralang si Ding.
Eskwelahang pinatatayo, nananatiling nakabinbin.
Ang bagong kasal ay kasama sa mga nagreklamo
isang buwan ang lumipas, tinumba siya sa kanto.
2018 umugong ang Palarong Pang-Asya
Pilipinas daw naman ang magiging taya,
bilyon-bilyong piso ang inilaang panggastos
dapat daw magarbo ang okasyong idaraos.
2019 ginanap ang tanyag na Palakasan
hindi ito nakaligtas, sa mga batikos ay inulan
50-milyong piso, inilaan daw sa kaldero
”Alagad ng Sining” daw kasi ang nagdisenyo nito.
2020 kapatid ni Ding, wala pa ring pinag-aralan.
Eskwelahan sa baryo, tuluyan nang kinalimutan.
Wala na ring nagtanong kung ano ang nangyari
sa takot na itumba ng mga buwayang naghahari.
2020 pa rin at iniisip ni Dos
kung bakit ang sinimulan ay hindi natatapos
sa pagpapasikat ay laging aligaga ang ilan
ngunit sa ibang proyekto, wala namang pakialam?
Siguro'y panahon na para hindi na umasa
sa mga palakang maingay lang sa simula.
Huwag na rin sanang simulan kung hindi rin tatapusin
Huwag nang ipangako ang hindi kayang gawin.
Kalderong itinayo, ano nga ba ang sinisimbulo?
Marahil, kung gaano ka-ningas-kugon ang Pilipino.
Hanggang sa simula lamang maningning ang liyab
Kalauna'y lumalamlam dahil tapos nang magpasiklab.
Sa kanilang mga papansin, may parangal na nararapat:
isang napakalutong na OMANIGNAT.
Ang blog na ito ay kalahok sa Saranggola Blog Awards 11 na sponsored ng mga sumusunod:
Comments
Post a Comment